--Ads--

CAUAYAN CITY – Nahaharap sa kasong paglabag sa illegal possession of firearms at robbery/extortion ang isang pulis na inaresto sa isinagawang entrapment operation sa District !, Cauayan City dahil sa reklamong pangingikil umano sa isang kabarangay.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt.Col Andree Abella, ang tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO2), sinabi niya na ang suspek na si PMSgt Sherwin Gamit, 38 anyos, may-asawa, warrant server ng Cauayan City Police Station ay inireklamo ng kabarangay sa Labinab, Cauayan City na si Vanessa Velasquez.

Isinagawa ng mga kasapi ng Regional Integrity Monitoring Enforcement team (RIMET) ng PRO2 at mga miyembro ng Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) at Cauayan City Police Station ang entrapment operation laban kay Gamit na nangikil umano para sa pagsasaayos nito sa kaso ng kapatid ni Velasquez na sangkot sa illegal na droga.

Bago ang pagkadakip ng pulis ay ipinagpilitan umano na tulungan si Velasquez na ayusin ang kaso ng kapatid kapalit ng 300,000 pesos.

--Ads--

Narecover sa pag-iingat ng pulis ang cash, iba’t ibang ID, ATM card, mga resibo, black leader ID case.

Nakuha rin sa loob ng kanyang sasakyan ang tatlong bundle ng boodle money na may limang tig-iisang libong pisong tunay na pera na ginamit bilang marked money at dalawang cellphone.

Nakuha rin sa sasakyan ng pulis ang isang Caliber 22 at isang 9mm pistol na kanyang issued firearms.

Ayon kay LtCol. Abella nalulungkot sila sa pangyayari dahil nabahiran ang magandang rekord ng Valley Cops dahil walang masyadong naitatalang kaso ang mga pulis sa rehiyon ngunit masaya rin sila dahil napigilan ang maaari pang pambibiktima ng suspek.

Patunay din ito na walang kinikilingan ang batas.

Isa rin itong babala sa mga tiwaling pulis na itigil na ang kanilang iligal na gawain dahil hindi magtatagal ay uusigin din sila ng batas.

Ang pahayag ni Lt.Col. Andree Abella

Samantala, naging matipid ang sagot ni PMSgt Gamit sa mga tanong ng Bombo Radyo Cauayan.

Sinabi niya na biktima lamang  siya  at hindi na sinagot ang mga sumunod na tanong.