--Ads--

Binigyan ng papuri at pasasalamat si Police Senior Master Sgt. Roland Gacal, ang pulis na nagligtas ng kanyang mga kapwa pasahero sa bus matapos atakihin ng highblood ang kanilang driver.

Sa naging pahayag ni PCol. Julio Go, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO, pinasalamatan niya ang katapangan ni Police Senior Master Sgt. Gacal na umaksyon sa kabila ng nakakatakot na sitwasyon.

Aniya isang kabayanihan ang kanyang nagawa, kaya proud sa kanya ang buong kapulisan sa lalawigan.

Inihayag naman ni Police Brigadier General Percival Rumbaoa, Regional Director ng Police Regional Office o PRO 2 ang kanyang pagkilala sa kabayanihan ni Police Senior Master Sgt. Gacal, at sinabing ikinararangal siya ng pulisya sa lambak ng Cagayan.

--Ads--

Ayon naman kay Police Senior Master Sgt. Gacal, labis siyang natutuwa sa mga ipinaparating sa kanyang papuri mula sa social media at sa mga matataas na opisyal ng Philippine National Police sa ikalawang Rehiyon.

Aniya ginampanan lamang niya ng mga oras na iyon ang kanyang tungkulin bilang isang pulis.

Ibinahagi naman niya ang kahalagahan ng pagiging mahinahon sa ganoong sitwasyon na siya umanong dahilan kaya nagawa niya ang kanyang kabayanihan.