CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang pulis habang tatlong kamag-anak ang nasugatan kabilang ang kanyang misis na buntis matapos na sumabog ang gulong ng minamanehong kotse at bumangga sa isang dumptruck.
Naganap ang aksidente habang binabagtas ng kotse ang kahabaan ng national highway sa Magsaysay, Cabatuan, Isabela dakong alas otso kaninang umaga, February 02, 2021.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt Florencio Molina, deputy chief of police ng Cabatuan Police Station na binagbagtas ng Vios na minamaneho ni Patrolman Gilbert Aison, nakatalaga sa 2nd Isabela Mobile Force Company at tangkang mag-overtake nang sumabog ang gulong nito sa harapan at bumangga sa kasalubong na dumptruck.
Nadamay din sa aksidente ang isang multi-cab, dalawang SUV at isang nakaparadang tricycle.
Ayon kay PLT Molina, papunta sa Lunsod ng Santiago ang kotse para magpa-check up sana sa isang klinika ang buntis na misis ni Patrolman Aison.
Ang dumptruck na minamaneho ni Manuel Calderon ay papunta naman sa Cauayan City mula sa San Mateo, Isabela nang masalubong ang kotse.
Ayon kay PLt Molina, sinabi ni Calderon na nakita niyang pumutok ang gulong ng kotse dahilan ng pagkabangga sa dumptruck na nawalan din ng kontrol matapos na pumutok ang isang gulong nito kaya nagkaroon ng karambola ng mga sasakyan.
Mabilis umano ang takbo ng kotse na minamaneho ni Patrolman Aison.






