CAUAYAN CITY- Isang estudyante ng Public Safety Senior Leadership Course (PSSLC) sa Regional Training Center (RTC) sa Barangay Minante 1, Cauayan City ang binawian ng buhay sa hindi inaasahang insidente noong Sabado ng gabi.
Kinilala ang biktima bilang si Police Senior Master Sergeant Bumilac, 48 taong gulang, may asawa, at residente ng Brgy. San Leonardo, Aglipay, Quirino.
Ayon sa nakalap na impormasyon, dakong alas-9 ng gabi nang magsagawa ng physical accounting sa 21 PSSLC students, ngunit 20 lamang ang dumalo.
Dito napansin ang pagkawala ni PSMS Bumilac, kaya agad isinagawa ang paghahanap sa paligid ng RTC.
Natagpuan ang katawan ng biktima nakahandusay sa pagitan ng bakod at isang patrol car. Agad siyang dinala sa Cauayan District Hospital, ngunit idineklara ng attending physician na dead on arrival.
Nagsagawa ng thorough investigation at ocular inspection ang mga tauhan ng PNP Cauayan at Provincial Investigation and Detective Management Unit (PIDMU) sa RTC upang malaman ang sanhi ng insidente.
Ayon sa anak ng yumaong pulis, napagdesisyunan ng kanilang pamilya na huwag nang isailalim sa autopsy ang katawan ng ama.
Naniniwala silang walang foul play sa nangyari, at tinutukoy bilang posibleng dahilan ang pre-existing hypertension ng biktima.
Kinumpirma rin ng mga kaklase ni PSMS Bumilac na normal at maayos ang kaniyang kondisyon bago pa man naganap ang insidente.
Ang labi ng biktima ay iniuwi gamit ang mobile unit ng 2nd IPMFC.
Sa ngayon ay hindi pa nag papaunlak ng panayam ang pamunuan ng Regional Training Center 2 kaugnay sa insidente.











