--Ads--

CAUAYAN CITY- May sinusundan nang gabay ang pulisya para sa pagkakadakip ng isang tsuper ng kotse na suspek sa naganap na hit and run na ikinasawi ng isang menor de edad sa Brgy. Divisoria, Santiago City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Santiago City Police Office Traffic Group, may natanggap na impormasyon ang pamilya ng biktima na si Juspher Gonzaga, 15 anyos kung saan nakatira ang suspek.

Agad tinungo ng mga otoridad kasama ang pamilya ng biktma ang bahay ng tsuper subalit walang nakitang tao sa lugar.

Nakita naman ng pulisya ang nakagaraheng kotse na isang pulang Sedan at napansin na may mga nawawalang bahagi ng sasakyan na kahalintulad ng narekober sa pinangyarihan ng aksidente na ikinamatay ng biktima.

--Ads--

Hindi inaalis ng kapulisan ang posibilidad na ito ang ginamit ng suspek ng masangkot sa aksidente.

Magugunitang noong nakaraang linggo ay nagjo-jogging lamang ang biktima kasama ang kanyang kaibigan sa shoulder lane ng kahabaan ng pambansang lansangan sa nasabing barangay nang makasalubong nila ang isang pulang sasakyan.

Biglang nag-iba ng direksyon at nag over-run sa bahagi kung nasaan ang biktima kaya nabangga na nagresulta ng malalang sugat na dahilan ng kanyang agarang kamatayan.