Inanunsyo ni Russian President Vladimir Putin ang isang pansamantalang tigil-putukan o ceasefire sa pagitan ng Russia at Ukraine sa panahon ng pagdiriwang ng Orthodox Easter, ayon sa Kremlin nitong Huwebes. Ito ay kasunod ng mungkahi ng Ukraine na magpatupad din ng pansamantalang paghinto ng labanan.
Nauna nang sinabi ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky na ipinasa niya ang panukala para sa holiday truce sa pamamagitan ng Estados Unidos, habang ang mga dayalogo para wakasan ang apat na taon nang digmaan ay natigil dahil sa tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon sa pahayag, magsisimula ang tigil-putukan mula 16:00 (13:00 GMT) ng Abril 11 hanggang sa katapusan ng Abril 12, 2026, bilang paggalang sa nalalapit na kapistahan ng Orthodox Easter.
Iniutos din ng Kremlin sa kanilang General Staff na itigil ang lahat ng operasyong militar sa nasabing panahon, ngunit nananatiling handa ang mga tropa na tumugon sa anumang posibleng probokasyon mula sa kalaban. Umaasa rin ang Russia na susunod ang Ukraine sa kanilang hakbang.
Ilang beses nang nabigo ang mga pag-uusap na pinangunahan ng Estados Unidos upang mapalapit ang magkabilang panig sa isang kasunduan. Lalong natigil ang negosasyon dahil sa pagtuon ng Washington sa isyu ng Iran.
Nananatiling malabo ang usapan dahil sa mga hinihinging na concession ng Russia sa teritoryo at politika na mga kondisyong tinanggihan ni Zelensky dahil aniya ay katumbas ito ng pagsuko.
Ang digmaan ay nagdulot na ng daan-daang libong katao na nasawi at milyon-milyong lumikas, at itinuturing na pinakamalalang labanan sa Europa mula noong World War II.











