CAUAYAN CITY – Matapos na mabalot ng makapal na usok ang loob at labas ng St. Ferdinand Parish Church sa Lungsod Ilagan ay agaw pansin ang isang rebulto ni Mama Mary na tila umiiyak.
Matapos matupok ng apoy ang altar, mga upuan, pader at bubong ng simbahan ay naisalba ang ilang mga rebulto ng mga santo.
Kapansin pansin sa mga ito ang rebulto ni Mama Mary na halos nangitim na dahil sa naganap na sunog.
Isang teenager sa katauhan ni John Mcklein Dumlao ang naglabas sa rebulto.
Kapansin pansin sa itsura nito ang umanoy agos ng luha sa kaniyang mga mata kahit nabalot na ito ng dumi.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dumlao hindi nila agad nailabas ang rebulto ni Mama Mary at napansin lamang nila na naiwan ito sa loob nang nailabas na ang karamihan sa mga rebulto.
Aniya nang mailabas na ang rebulto ay nanindig ang kaniyang balahibo dahil sa mga bakas ng umanoy luha na senyales na nalulungkot ito dahil nasunog ang simbahan.