Nilinaw ng isang abogado na hindi awtomatikong nabubura o nawawalan ng bisa ang mga naunang pahayag ng apat na dating bodyguard o umano’y “bagmen” ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co kahit pa binawi na nila ang kanilang mga alegasyon laban sa ilang personalidad na umano’y tumanggap ng kickback mula sa mga flood control project.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Christian Gonzales, sinabi nito na batay sa kasong People vs. Garcia, ipinaliwanag ng Korte Suprema na ang recantation ay nangangailangan ng renunciation o pormal na pag-atras sa dating salaysay. Aniya, hindi kinakailangang nakapagtestigo na muna sa korte ang isang witness bago magkaroon ng recantation dahil maaari rin itong iaplay sa mga affidavit at sworn statements kahit hindi pa naihaharap sa paglilitis.
Gayunman, sinabi ng abogado na sa ilalim ng pangkalahatang tuntunin, itinuturing ng korte na kahina-hinala ang mga recantation at hindi ito basta-bastang pinaniniwalaan. May pag-iingat aniyang ipinapakita ang hudikatura sa pagtanggap ng mga pagbawi ng pahayag upang matiyak kung alin ang tunay na bersyon ng mga pangyayari.
Binanggit nito ang kasong People vs. Lamsen kung saan sinabi ng Korte Suprema na hindi dapat basta itapon o balewalain ang naunang testimonya dahil lamang sa pagkakaroon ng panibagong salaysay na sumasalungat dito.
Dahil dito, ipinaliwanag ni Gonzales na susuriin ng mga kinauukulang awtoridad ang dalawang magkasalungat na bersyon ng affidavit ng apat na umano’y bagmen na nag-recant upang matukoy kung alin ang mas kapani-paniwala.
Aniya, titimbangin ng korte ang kredibilidad ng bawat pahayag at aalamin kung alin sa mga ito ang suportado ng mas mabigat na ebidensya.





