--Ads--

Nagsagawa ang City Human Resource Management Office (CHRMO) ng dalawang araw na Seminar-Workshop on Basic Records and Archives Management (BRAM) para sa mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City.

Isinagawa ang aktibidad sa Bamboo Hall, Cauayan City Hall, bilang bahagi ng pagpapalakas sa kaalaman ng mga empleyado sa tamang pangangasiwa ng mga dokumento ng pamahalaan.

Tinalakay sa seminar ang tamang proseso sa paglikha, pag-file, pag-iimbak, retrieval, retention, at disposisyon ng mga government records.

Binigyang-diin din ang kahalagahan ng maayos na records management dahil nagsisilbing dokumentasyon ang mga rekord ng pamahalaan sa mga transaksyon, desisyon, responsibilidad, at serbisyong ibinibigay sa publiko.

--Ads--

Kabilang din sa mga tinalakay ang Republic Act No. 9470 o National Archives of the Philippines Act of 2007, na nagtatakda ng mga polisiya at alituntunin sa pangangasiwa, pangangalaga, paggamit, at disposisyon ng public records.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Sherry Ann Balmaceda, CHRMO ng City Government of Cauayan, mahalaga ang pagsasanay upang matiyak na maayos at ligtas na napapangasiwaan ng mga kawani ang mga rekord na kanilang hinahawakan.

Aniya, kailangan ding matiyak na madaling makita at makuha ang mga kinakailangang dokumento kapag ginagamit sa mga transaksyon at operasyon ng pamahalaan.

Bahagi ang aktibidad ng patuloy na capacity-building program para sa mga kawani ng City Government of Cauayan, kasabay ng pagdiriwang ng Philippine Civil Service Month ngayong Setyembre.