Tumaas ang bilang ng mga naitatalang kaso ng HIV sa buong bansa, kabilang na ang Region 2, kasunod ng mas pinalawak na HIV testing at mas bukas na pagtanggap ng komunidad sa usapin ng kalusugan.
Ayon kay Neo Corotan, Regional Program Officer, batay sa pinakabagong datos ng epidemiology, umaabot na sa 61 HIV cases kada araw ang naitatala sa Pilipinas.
Aniya, hindi ito nangangahulugan ng biglaang paglala ng sitwasyon kundi resulta ng mas agresibong paghahanap at pagtukoy sa mga taong may mataas na panganib na mahawa ng HIV.
Ipinahayag niya na maraming rehiyon ang nagtala ng pagtaas ng kaso dahil sa paglawak ng HIV services, partikular ang community-based testing kung saan ang mga indibidwal mula sa high-risk population ay maaaring magpasuri mismo sa kanilang tahanan o piniling lugar nang hindi na kinakailangang pumunta sa health facility.
Dagdag pa rito, ipinatutupad na rin ang HIV self-testing, kung saan maaaring umorder ng test kit ang isang indibidwal at isagawa ang pagsusuri sa sarili upang malaman ang kanyang HIV status.
Ayon kay Corotan, positibong indikasyon ang pagiging bukas ng publiko sa usapin ng HIV, lalo na pagdating sa testing, dahil mas marami ang nahihikayat na magpasuri.
Gayunman, aminado siyang nananatiling nakaaalarma ang datos sapagkat sa tinatayang kabuuang bilang ng people living with HIV, 57% pa lamang ang natutukoy at nakikilala sa kasalukuyan.
Binigyang-diin niya na mahalagang mahanap at matulungan ang natitirang porsiyento upang agad na makapagsimula ng treatment, mapababa ang viral load, at kalaunan ay makamit ang tinatawag na viral suppression, na susi sa pagpigil sa pagkalat ng HIV.
Nanawagan din ang opisyal sa publiko na huwag matakot sa HIV testing, dahil ang maagang pag-alam sa resulta ay indikasyon ng pagpapahalaga sa sarili at sa buhay.
Aniya, anuman ang maging resulta ng pagsusuri, may nakalaang suporta mula sa pamahalaan, pamilya, at komunidad.
Kasabay nito, iginiit niya ang kahalagahan ng paglaban sa stigma at diskriminasyon laban sa mga taong may HIV.
Ayon sa kanya, sa kawalan ng panghuhusga at diskriminasyon, mas madaling makabuo ng ligtas na komunidad kung saan malayang naa-access ang HIV services.
Sa huli, binigyang-diin niya na sa pamamagitan ng normalisasyon ng HIV testing, maagang paggamot, at pagkakaroon ng suportibong kapaligiran, posible umanong tuluyang mapigilan at wakasan ang pagkalat ng HIV sa bansa.











