--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot na sa lima ang nagpositibo sa coronavirus disease o COVID-19 sa ikalawang rehiyon.

Kahapon ay kinumpirma ng DOH Region 2 na dalawa pa ang nagpositibo sa lalawigan ng Cagayan.

Ang patient 661 ay isang 39-anyos na lalaki na taga-Tuao, Cagayan na nagtungo sa Metro Maynila para salubungin ang kanyang misis na dumating mula sa Hong Kong.

Siya ay nasa maayos ng kalagayan sa isang isolation room ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa lunsod ng Tuguegarao.

--Ads--

Ang patient 662 ay isang 70-anyos na kilalang tao sa Gattaran, Cagayan at nasa home quarantine.

Matatandaang unang nagpositibo sa COVID-19 si patient 275 na isang fireman na taga-Tuguegarao City ngunit nakatalaga sa Sta. Mesa, Manila na nasa maayos na ring kalagayan ngayon.

Ang ikaapat na nagpositibo ay mula sa Isabela at kinumpirma mismo ni Gov. Rodito Albano.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Albano, sinabi niya na ang pasyente ay ginagamot sa Southern Isabela Medical Center (SIMC).

Limitado pa ang mga impormasyon na inilalabas ng pamahalaang panlalawigan upang hindi magpanic ang mga mamamayan.

Ayon kay Gov. Albano nasa maayos na kalagayan ang nagpositibo sa COVID-19.

Ayon pa kay Gov. Albano, gagawa sila ng pamamaraan upang mapigilan ang pagkalat ng virus sa lugar kung saan nakatira ang pasyente.

Nakikiusap ang gobernador sa mga mamamayan ng Isabela na maging maingat at sumunod sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine at manatili lamang sa loob ng bahay.

Tinig ni Gov. Rodito Albano.

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ildefonso Costales, chief of hospital ng SIMC, sinabi niya na natanggap nila kahapon ng hapon ang resulta ng swab test ng nasabing pasyente.

Aniya, hindi naman sila puwedeng magbigay ng pahayag kung wala pa silang pinanghahawakan na kumpirmado na talaga ito.

Isa aniya itong estudyante na 23-anyos, taga-Isabela subalit galing ng kalakhang Maynila dahil sa OJT nito.

Na-admit siya noong March 16 matapos na makaramdam ng sintomas ng COVID-19.

Ayon kay Dr. Costales, sa ngayon ay halos wala na siyang sintomas at unti-unti na ring nakakarekover.

Nanawagan siya sa publiko na makiisa sa pamahalaan at sumunod sa mga alituntunin tungkol sa COVID-19 upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Tinig ni Dr. Ildefonso Costales.

Samantala, kinumpirma ng Punong Lalawigan ng Nueva Vizcaya na namatay bago pa man ilabas ang resulta ng COVID-19 test ng kauna-unahang nagpositibo sa virus sa kanilang lalawigan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Lalawigan Carlos Padilla, sinabi niya na ang nagpositibo sa COVID-19 ay isang 65-anyos na lalaki at residente ng Roxas, Solano, Nueva Vizcaya.

Sinabi ng punong lalawigan na ang pasyente ay dinala sa ospital dahil sa pneumonia ngunit binawian ng buhay noong March 19.

Isinailalim naman sa COVID-19 test ang nasabing pasyente at lumabas ang resulta kahapon, araw ng Huwebes at positibo sa nasabing virus.

Ayon sa Gobernador walang travel history sa labas ng bansa ang senior citizen subalit nagtungo siya sa lamay ng kanyang kamag-anak sa bayan din ng Solano at karamihan sa mga nakilamay na kanilang kaanak ay galing sa ibang bansa.

Dahil dito sinabi ni Gov. Padilla na magsasagawa ng pulong ngayong araw ang kanilang Provincial Task Force COVID-19 kasama ang DOH upang malaman nila ang mga dapat na gawin makaraang magtala sila ng positibo sa COVID-19.

Sa ngayon ay kinakailangan nilang magsagawa ng contact tracing upang malaman ang mga nakasalamuha ng nasabing lalaki.

Tinig ni Punong Lalawigan Carlos Padilla.