--Ads--

CAUAYAN CITY – Hiniling ni Isabela 6th District Representative Congressman Inno Dy sa Department of Transportation na imbestigahan ang mga inirereklamong accredited driving school ng Land Transportation Office sa Isabela.

Naging malaman ang pagbubunyag ni Congressman Dy patungkol sa natatanggap nilang reklamo kaugnay sa sampung Driving School at Medical Clinic na accredited ng LTO na pagmamay-ari lamang ng iisang tao.

Sa naging interpelasyon sa ginawang budget hearing ng Committee on Appropriations ay kinuwestiyon ng mambabatas si LTO Assistant Secretary Vigor Mendoza II kung paanong nakalusot at nabigyan ng accreditation ang inirereklamong Driving School na siyang namamahala sa labing-isang driving schools sa buong Region 2.

Lumabas sa kanilang pagsisiyasat na ang mga operational na driving school ay walang kaukulang permit subalit nakakuha ng accreditation.

--Ads--

May mga impormasyon din na tanging certificates na galing sa RBR driving school ang tinatanggap ng LTO Region 2.

Napag-alaman pa na naghain na ng pagtutol ang isang PMVIC sa Lungsod ng Santigao laban sa PMVIC sa San Isidro Isabela na pagmamay-ari din ng inirereklamong driving school dahil sa paglabag at hindi pagtalima sa mga alituntunin ng LTO.

Dahil sa mga impormasyong ito ay tiniyak ni USEC. Jesus Ferdinand Ortega ang pagtutulungan ng ahensiya para masiyasat at silipin ang lahat ng mga accredited driving schools di lamang sa Isabela kundi sa buong bansa.