Tanggal na si Rep. Nicanor Briones ng AGAP partylist bilang miyembro ng Commission on Appointments (CA) matapos kumalat sa social media ang video kung saan makikitang nanonood siya ng sabong habang nasa sesyon ng Kamara noong Lunes.
Si Briones sana ang kinatawan ng minorya sa 12-member contingent miyembro ng CA. Ngunit dahil sa isyu, at sa pag-amin niyang siya nga ang nasa video, pinalitan siya ni Rep. Allan Ty ng LPGMA partylist.
Bukod kay Briones, nakunan rin ng video si Rep. Sergio Dagooc ng APEC partylist na naglalaro ng digital billiards sa kanyang cellphone habang nasa sesyon.
Matatandaan na matapos kumalat ang video ay lumamtad si Rep. Briones at inamin na siya ang nasa viral video subalit itinangging nanonood siya ng e-sabong (online sabong).
“Malinis ang konsensya ko. Hindi ako nagsasabong. Hindi niyo ako makikita sa cockpit,” giit niya.
Sinabi rin niyang wala siyang GCash o online money transfer, kaya hindi siya makakapag-online sabong.
Pinaniniwalaan niyang may nais manira sa kanya dahil sa pakikipaglaban niya sa mga smuggler.
Humingi naman siya ng paumanhin sa Kamara at sa publiko, at iginiit na ang pagkalat ng video ay paglabag sa Data Privacy Act.










