--Ads--

Nagpalitan ng argumento sina House prosecutor Representative Chel Diokno at defense lead counsel Sheila Sison matapos kuwestiyunin ng huli ang testimonya ng financial forensic analyst na si Alexander Cabrera kaugnay ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Vice President Sara Duterte.

Sa ika-38 araw ng impeachment trial nitong Lunes, tinawag ni Sison na “erroneous” o mali ang mga konklusyon ni Cabrera, na aniya’y nabigyan ng malawak na pagkakataong maglahad ng kaniyang mga opinyon.

Dahil dito, hiniling ni Diokno sa Senado na alisin sa opisyal na rekord ang pahayag ni Sison, iginiit na isa itong konklusyon sa batas at hindi angkop sa naturang paglilitis.

Tinanggihan naman ni Sison ang mosyon ng prosekusyon, at iginiit na ang mismong testimonya ni Cabrera ay naglalaman umano ng mga konklusyon sa halip na mga aktuwal na katotohanan.

--Ads--

Namagitan si Senate President at impeachment court presiding officer Francis Escudero, na nagpasiyang manatili sa rekord ang pahayag ng depensa dahil malinaw na inilalahad lamang nito ang kanilang hindi pagsang-ayon sa opinyon ng eksperto.

Bilang tugon, muling iginiit ni Diokno na para sa prosekusyon, walang saysay at hindi angkop sa paglilitis ang pagtawag ng depensa na mali ang opinyon ng testigo.