Pormal nang nagsampa ng kaso si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste laban kay DPWH Batangas 1st District Engineer Abelardo Calalo dahil sa tangkang panunuhol nito sa kaniya.
Ang mga kasong inihain ng kongresista sa Batangas Provincial Prosecutor nitong Martes, ika-26 ng Agosto ay kinabibilangan ng direct bribery, corruption of public officials, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices at Code of conduct and Ethical Standards for Public Officials.
Ibinunyag ni Leviste na ang P3.1 milyong suhol ay bahagi lamang ng mas malaking “standard operating procedure” o kickbacks na umaabot sa mahigit P300 milyon kada taon mula sa mga proyekto ng DPWH na inilalaan umano sa kongresista ng unang distrito.
Aniya, namin mismo ni Calalo sa kanya na ang mga kontratista ay handang magbigay ng 5% hanggang 10% na “suporta” mula sa P3.6 bilyong halaga ng mga proyekto sa unang distrito, na katumbas ng P180 milyon hanggang P360 milyon.
Sinabi rin umano ni Calalo na may isang kontraktor na handa nang mag-withdraw ng inisyal na P15 milyon na cash para sa kanya.
Ang P3.1 milyon na dala ni Calalo ay 3% naman mula sa isang contractor na may P104 milyong proyekto.
Sa kanilang usapan, inilantad umano ni Calalo ang sistema kung saan hindi nagkakaroon ng tunay na bidding sa mga proyekto ng DPWH kundi pinipili lamang ang mga contractor na nagbibigay ng “SOP”.
Iginiit nito na ipagpapatuloy niya ang pagpapa-audit sa lahat ng proyekto ng DPWH sa kaniyang distrito dahil kailanman ay hindi siya tatanggap ng kickbacks.











