Nagbitiw na sa kaniyang posisyon si Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy “Zaldy” Co bilang miyembro ng mababang kapulungan ng Kongreso ngayong Setyembre 29, 2025.
Sa kanyang liham kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy, iginiit ni Co na ang kaniyang desisyon ay bunsod ng “matinding banta” sa buhay ng kaniyang pamilya at ng sarili, kasabay ng umano’y paglabag sa kaniyang karapatang pantao at due process.
Ang pagbibitiw ay kasabay ng deadline na itinakda ni Speaker Dy para sa pagbabalik ni Co sa bansa matapos bawiin ang kanyang travel clearance.
Naging sentro si Co ng kontrobersiya kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects sa Mindoro, kung saan siya ay inirekomendang sampahan ng kaso ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) dahil sa posibleng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at iba pang batas.
Bukod sa ethics complaint na isinampa ni Rep. Toby Tiangco ng Navotas, si Co ay iniugnay sa mga umano’y kickback mula sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), bagay na mariin niyang itinanggi.
Samantala, kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) ang pag-recall sa limang police escorts ni Co matapos siyang umalis ng bansa, bilang bahagi ng standard operating procedure kapag wala na sa bansa ang isang opisyal.
Ang pagbibitiw ni Co ay nagdudulot ng bakante sa puwesto ng Ako Bicol Partylist sa Kongreso, habang patuloy ang imbestigasyon sa mga alegasyon ng katiwalian.
Isa sa mga tampok sa kaniyang termino ay ang programa na “AKAP” isang pangkalahatang ayuda para sa mga pamilyang malapit sa linya ng kahirapan.Ang AKAP ay binigyan ng budget na humigit-kumulang ₱26.7 bilyon para sa 2024 at ₱26 bilyon para sa 2025.
Isa sa pinakamalalaking isyu na bumangon kamakailan ay ang alegasyon na may ginawang “insertions” sa 2025 national budget para sa flood control projects, at posibleng may kickback o hindi nararapat na pondo ng proyekto.
Habang nasa U.S. para sa medical treatment, muli siyang na‑ugnay sa imbestigasyon ng flood control projects.
Noong Setyembre 19, 2025, inutusan ng House Speaker ang pagbawi ng travel clearance ni Co at inatasan siyang bumalik sa bansa sa loob ng 10 araw, bilang tugon sa pangangailangan ng kanyang pisikal na presensya sa mga usaping pambansa.











