Positibo ang naging reaksyon ng ilang residente sa Lungsod ng Cauayan kaugnay ng isinusulong na Anti-Epal Policy, na naglalayong alisin ang pangalan, larawan, at iba pang pagkakakilanlan ng mga opisyal sa mga proyektong pinondohan ng pamahalaan.
Ayon sa ilang residente, magandang hakbang ito upang maiwasan ang personal na pagpapabida ng mga pulitiko sa mga proyekto ng gobyerno na mula naman sa buwis ng taumbayan.
Anila, mas magiging malinaw na ang mga programa at proyekto ay para sa publiko at hindi para sa personal na promosyon ng sinumang opisyal.
Dagdag pa ng ilan, makatutulong din umano ang polisiya upang maging patas ang labanan sa pulitika at mabawasan ang impluwensya ng mga politiko na gumagamit ng proyekto ng gobyerno para sa sariling imahe.
Sa ilalim ng Anti-Epal policy, ipinagbabawal ang paglalagay ng pangalan, larawan, logo, o anumang simbolo ng mga opisyal sa mga signages, tarpaulin, at iba pang materyales na pinondohan ng pampublikong pondo.
Layunin nitong tiyakin na ang mga proyekto ng pamahalaan ay para sa serbisyo publiko at hindi para sa personal na pagpapasikat.
Batay sa mga patakaran, dapat ding alisin agad ang mga materyales na hindi sumusunod sa nasabing polisiya, at mananagot ang mga opisyal na lalabag dito.
Sa kasalukuyan, inaasahan ng ilang residente na tuluyan nang maipatupad ang polisiya upang mapanatili ang maayos at patas na pamamahala sa lungsod.










