Tinupok ng apoy ang isang residential house sa Purok 6, Sampaloc, Cabatuan, Isabela, dakong alas-11:45 ng umaga ngayong araw ng Sabado, Pebrero 21.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Eduardo Gille, ama ng may-ari ng bahay at unang nakasaksi sa insidente, magpapakain sana siya ng alagang baboy nang mapansin ang nasusunog na kugon at isang live wire na nakatali rito.
Batay sa ulat, hinihinalang nagsimula ang sunog sa pag-spark o pagliyab ng isang kable ng kuryente na nakakabit malapit sa kugon. Dahil gawa sa light materials gaya ng kugon at kahoy ang bahay, mabilis na kumalat at lumaki ang apoy.
Sinubukan pa umano ni Gille na apulahin ang sunog gamit ang fire extinguisher ngunit hindi nito kinaya ang lakas ng apoy.
Sa kabutihang palad, walang tao sa loob ng bahay nang mangyari ang insidente. Ang may-ari ng bahay ay nasa labas upang mag-deliver ng parcels, habang ang asawa at anak nito ay lumabas din ng bahay.
Labis ang panghihinayang ng pamilya dahil walang naisalbang kagamitan maliban sa isang air conditioner at dalawang kaldero. Kabilang sa mga natupok ang perang nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱20,000.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang kabuuang halaga ng pinsala at tiyakin ang sanhi ng sunog.











