--Ads--

Ibinahagi ni Retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio ang mga paksa na plano niyang talakayin sa posibleng “friendly debate” kay Senator Rodante Marcoleta.

Noong nakaraang linggo, tinanggap ni Carpio ang hamon ni Marcoleta para sa debate bago tanggapin ang imbitasyon na bumisita sa Kalayaan Island Group (KIG). Nauna nang sinabi ni Marcoleta na nais niyang makipag-debate muna bago pumunta sa KIG sa imbitasyon ni Commodore Jay Tarriela.

Sinabi naman ni Tarriela na bukas siya sa debate ngunit para lamang sa mga magagaan na paksa, at hindi dapat kuwestiyunin sa publiko ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.

Binanggit ni Carpio na habang iginagalang niya ang kalayaan sa pagpapahayag ng mga senador, dapat ding tandaan na may pananagutan sila sa kanilang panata sa Konstitusyon, na nag-uutos sa Estado na protektahan at pangalagaan ang yamang-dagat sa exclusive economic zone.

--Ads--

Dagdag pa ni Carpio, puwede mang tanggapin ang personal na pananaw ng ilan, ngunit dapat laging isaalang-alang ng mga opisyal ng gobyerno ang kanilang obligasyon na ipagtanggol ang teritoryo ng Pilipinas.