Iniimbestigahan na ngayon sa Bayan ng Echague Isabela ang napaulat na umano’y paggamit ng mga trader sa mga magsasaka para makapagbenta ng palay sa NFA.
Umabot sa labindalawang magsasaka sa Brgy. Sta. Maria, Echague, Isabela ang muntikan umanong ma-scam dahil kinukuhanan sila ng kopya ng RSBSA stab at valid ID ng isang middleman kapalit ng P300.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Robert Agron ng Sta. Maria, sinabi niya na nakumpirma nilang may isang indibidwal ang nangakong tutulungan ang mga magsasaka na magtinda ng palay sa NFA basta magprovide lamang sila ng photocopy ng RSBSA stub at dalawang valid I.D.
Puntirya umanong biktimahin ng middleman ang mga magsasaka na hindi pa nakakapagbenta ng palay sa NFA.
Labindalawang magsasaka naman mula sa nabanggit na barangay ang nagka interes na magsumite ng requirement sa isang middleman dahil kapalit nito ay 300 pesos.
Ayon sa Punong Barangay, nang mabalitaan niya ang pangyayari ay agad niyang inutusan na magbigay ng requirement sa middleman ang isa sa mga barangay kagawad upang kumpirmahin ang haka-haka sa kanilang lugar.
Nakumpirma naman ng mga opisyal ng barangay na totoo ang usap-usapan sa lugar at malinaw ring mayroong trader na nagpapanggap na kawani ng NFA at plano niyang bilhin lahat ng palay ng mga magsasaka upang ito ang makakapagbenta sa lehitimong bodega ng NFA.
Posible umanong ang trader na ang mismong kukuha ng Application form sa NFA at isusulat na lamang nito ang mga impormasyon na nakuha mula sa ibinigay na kopya ng ID card at RSBSA stab ng magsasaka.
Sa ngayon ay binawi na ng barangay ang mga dokumentong isinumite ng mga magsasaka upang hindi magtagumpay ang hangarin ng kung sino mang nasa likod ng pang i-scam.
Sa ngayon ay hindi pa pinapangalanan ng punong barangay kung sino ang indibidwal na nasa likod ng di umano’y pang i scam na ito.
Samantala, nagtungo ang Bombo News Team sa Municipal Agriculture Office ng Echague Isabela upang alamin ang naging aksyon ng tanggapan sa isyu.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Anthony Jordan Justo, in charge officer ng Department of Agriculture, sinabi niya na hindi pabor ang kanilang tanggapan sa paggamit ng RSBSA form sa hangarin ng mga traders.
Ikinalulungkot aniya ng DA na nasasamantala ang mga magsasaka kapalit ng P300 lamang.
Nagpapatuloy naman ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga otoridad upang ipagpatuloy ang imbestigasyon at mapanagot ang nasa likod ng pang i-scam.











