Nasugatan ang dalawang katao kabilang ang isang menor de edad matapos masangkot sa salpukan ng van at motorsiklo sa Barangay Garit Sur, Echague, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Mervin Delos Santos, Chief of Police ng Echague Police Station, sinabi niya na madaling araw nang maganap ang aksidente na kinasangkutan ang isang single motorcycle at van.
Naganap ang aksidente habang binabagtas ng motorsiklo ang kalsada na nasasakupan ng Garit Sur patungo ng Barangay Ipil habang sumusunod naman dito ang van.
Sinubukan umano ng van na mag overtake subalit nag flasher pa kaliwa ang motorsiklo kaya bumalik sa linya ang van subalit biglang bumalik din sa linya ang motorsiklo sanhi para masalpok ito ng van.
Batay sa kanilang initial investigation, maaaring dahil nakita sa side mirror ng driver ng motorsiklo ang mag oovertake na van kaya bumalik ito sa linya subalit nag karoon ng miscalculation na nagsanhi ng banggaan.
Kapwa nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tsuper at back rider ng motorsiklo na agad dinala sa pagamutan ng rescue team ng Echague, Isabela.
Under observation ngayon ang menor de edad na backrider na dinala sa Southern Isabela Medical Center matapos umanong mabagok sa semento dahil sa wala itong suot na helmet.
Nakatakda nilang kumpirmahin kung ang driver ng motorsiklo ay nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin dahil batay na rin sa rescuers na parang amoy alak umano ito.
Napag-alaman na ang tsuper ng van na residente ng Minuri, Jones, Isabela ay mag tutungo lamang sana sa Santiago City para mamili ng paninda.