CAUAYAN CITY- Nasawi ang isang motorcycle rider matapos na mabangga at malakadkad pa ng isang truck habang sakay ng kaniyang motorsiklo sa Bayan ng Bagabag, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pmaj. Oscar Abrogena ang hepe ng Bagabag Police Station, sinabi niya na sangkot sa aksidente ang isang single motorcycle at truck.
Aniya batay sa kanilang pagsisiyasat umagaw ng linya ang truck na sumalpok sa motorsiklo at kinaladkad pa ang rider ng humigit kumulang 15 meters.
Batay sa pahayag ng driver ng truck na si Antonio Mario ng Poblacion Tinoc,Ifugao na iiwasan sana niya ang kasalubong na motorsiklo subalit nasalpok parin ang biktima at nakaladkad subalit taliwas umano ito sa pangyayari.
Bilang resulta nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ang biktima na agad dinala sa pagamutan ng mga rumespondeng rescuers subalit binawian din ng buhay.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng himpilan ng pulisya ang suspect na posibleng maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting In Homicide at damage to property.











