
CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang lalaki matapos bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa nakatambak na lupa sa bypass road na bahagi ng Brgy. Batal, Santiago City.
Ang biktima ay si Dexter Canto, security guard at residente ng Rizal, Saguday, Quirino.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan patungong hilagang direksyon ang biktima sakay ng kanyang motorsiklo nang bumangga ito sa nakatambak na lupa na ginagamit bilang barikada.
Sa lakas ng pagbangga ay nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.
Sinubukan pa siyang itakbo sa pagamutan ng mga rumespondeng rescuer subalit binawian din siya ng buhay.
Ang nakatambak na lupa ay ginagamit umano na pangharang sa bypass road dahil hindi pa ito tuluyang binubuksan sa mga motorista.
Ayon sa pulisya nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin ang biktima at posible ring hindi nito kabisado ang lugar.
Wala rin umano siyang suot na helmet nang mangyari ang aksidente.
Sa ngayon ay naiuwi na ng pamilya ng biktima sa Saguday, Quirino ang kanyang labi.