--Ads--

CAUAYAN CITY – Patay ang isang lalaki matapos matumba ang kanyang motorsiklo at magulungan ng pick-up sa pambansang lansangan sa Brgy. Magsaysay, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Ang nasawi ay ang driver ng Suzuki Raider na motorsiklo na si  Melvin Jay Ubalde, dalawampu’t apat na taong gulang at residente ng Brgy. Malasin, Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya habang ang tsuper naman ng sangkot na Nissan Pick-up ay si Nolie Tagtag, tatlumpu’t walong gulang, private employee at residente ng Brgy. Panupdupan, Asipulo, Ifugao.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Bayombong Police Station, napag-alaman na patungo sa hilagang direksyon ang motorsiklo habang binabagtas naman ng pick-up ang kasalungat na linya.

Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay sinubukan ng motorsiklo na mag-overtake sa sinusundang tricycle subalit nasagi umano niya ito dahilan kaya’t nawalan ng kontrol ang driver at natumba sa daan.

--Ads--

Akma namang paparating ang pick-up at di na nagawang makaiwas kaya’t nagulungan nito ang biktima naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Kusa namang sumuko ang driver ng pick-up na mahaharap sa reklamong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property.