Patuloy na nakatuon ang pamahalaang lungsod ng Santiago sa pagpapatupad ng road safety program sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilang ng vehicular accidents sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Julius Agustin, Local Disaster Risk Reduction & Management Officer ng Santiago City, sinabi nitong nakapagsagawa na ang kanilang tanggapan ng apat na consultative meetings kasama ang iba’t ibang ahensya upang pag-usapan ang mga hakbang na makababawas sa insidente ng aksidente sa kalsada.
Ayon kay Agustin, kabilang sa mga napagkasunduang hakbang ang pagpapalakas ng information, communication and education campaign para sa mga motorista, dahil disiplina umano ng mga driver ang nananatiling pangunahing sanhi ng karamihan sa mga vehicular accidents.
Nakikipagtulungan din aniya ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at Land Transportation Office sa pagpapatupad ng mga programa upang mapababa ang bilang ng aksidente.
Batay sa tala ng LDRRM, umabot sa 1,004 na vehicular accidents ang naitala noong nakaraang taon kung saan 1,210 ang kabuuang bilang ng mga biktima. Gayunman, sa unang bahagi pa lamang ng 2026, kabilang ang Enero hanggang unang dalawang linggo ng Pebrero, nakapagtala na agad ng 124 na insidente.
Pinakamalungkot sa datos ang naitalang anim na nasawi sa nasabing panahon.
Dahil dito, muling nanawagan ang LDRRM sa publiko, lalo na sa mga motorista, na pairalin ang disiplina at sundin ang mga batas trapiko upang maiwasan ang karagdagang aksidente at pagkasawi sa kalsada.
--Ads--











