CAUAYAN CITY– Isang robot na pinangalanang Aquabot o Aquatic Robot ang maaaring gamitin ng mga otoridad sa kanilang surveillance laban sa mga illegal na nangingisda at pag-monitor sa iba pang aktibidad sa ilog at karagatan tulad ng Benham Rise ang naimbento ng isang mag-aaral.
Ang Aquatic Robot ay isang Unmanned Service Vehicle.
Sa naging exklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa isa sa mga lumikha sa robot na si Raphael Deangelo Tan, residente ng San Manuel, Isabela at mag-aaral ng Philippine Yuh Chiau School sa Cabatuan, Isabela, sinabi niya na ang Aquabot ay nanalo ng 2nd place sa National Robotics Competition noong pebrero.
Nakatunggali ang mga pambato ng ilang prestisyosong pamantasan sa bansa.
Ang Aquabot ay maaaring gamitin sa ilog at dagat dahil may special features tulad ng pagkakaroon ng underwater camera, solar panel, at wifi, para sa pag-transmit ng impoirmasyon at datos mula sa operator.
Mayroon din itong kakayahan na tukuyin ang acidity ng tubig, kung ito ay fresh o salty na at kung puwedeng inumin ang tubig maging ang temperatura nito.
Sinabi ng incoming grade 11 student na si Tan na tinapos nila sa loob ng isang linggo ang Aquatic Robot at hindi sila gumastos ng malaking halaga dahil ang mga materyal ay recycled maliban sa ilang imported na gamit.
Naisipan nila ang ganitong konsepto na maaaring makatulong sa pamahalaan sa surveillance sa Benham Rise.
Umaasa sila na susuportahan ng pamahalaan ang kanilang imbensiyon upang mapondohan at magamit sa hinaharap.
Nanawagan siya sa mga kabataan na tulad niya na mag-isip ng gagawing makabagong teknolohiya sa halip na gugulin ang oras sa mga gadget.




