Naabot ng Pinay billiards prodigy na si Rubilen Amit ang final round, ngunit napako sa runner-up sa katatapos lang na 2026 Raxx Mezz Olhausen Invitational billiards tournament na ginanap sa Raxx Pool Room ng Sports Bar & Grill sa West Hempstead, New York, USA.
Matapos mauna ng iskor na 2-5, ipinakita ni Rubilen ang kahanga-hangang pagbabalik, ngunit hindi na niya nahabol at nalampasan si Margaret Fefilova-Styer sa labang nagwakas sa “hill-hill” set para sa final.
Sa semifinal na tinaguriang “hotseat match,” una nang nagharap sina Amit at Fefilova-Styer. Nagwagi si Fefilova-Styer sa iskor na 8-1, kaya napunta si Amit sa “one-loss side”.
Unang tinalo ni Rubilen si Kristina Zlateva, 8-5, upang makuha ang pagkakataong muling harapin si Fefilova-Styer, na nasa ikatlong puwesto sa Women’s Professional Billiard Association (WPBA) rankings, sa final match.
Sa kabuuan, kahanga-hanga pa rin ang ipinakita ni Rubilen, three-time world champion (World 10-Ball 2009 at 2013; World 9-Ball 2024), sa kanyang unang paglahok sa WPBA tournament.
Makakauwi siya ng US$7,800 bilang gantimpala para sa kanyang pangalawang puwesto.










