Walang nakikitang agarang pagtaas ng sahod para sa mga manggagawa sa gitna ng umiiral na krisis sa Gitnang Silangan.
Ayon kay DOLE Undersecretary Benedicto Bitonio, may ilang rehiyon na nagpatupad na ng umento sa sahod, ngunit hindi ito kaugnay ng kasalukuyang krisis dahil naaprubahan na ang mga ito bago pa man sumiklab ang tensyon sa Middle East.
Gayunman, binanggit niya na maaaring pinag-aaralan na ng mga Regional Tripartite Wage and Productivity Board ang posibleng epekto ng sitwasyon sa sahod ng mga manggagawa.
Nilinaw rin na walang inaasahang wage hike sa darating na Mayo 1 o Labor Day.
Sa kabila nito, hindi rin isinasantabi ang posibilidad na isaalang-alang ang kasalukuyang krisis sa mga susunod na desisyon hinggil sa umento sa sahod, bagama’t patuloy pa itong sinusuri.
Kabilang sa mga rehiyong naaprubahan na ang pagtaas ng sahod bago ang krisis ang Region III, Region IV-A, Region V, Region X, Region XI, at CARAGA.











