Kinuwestiyon ni Sangguniang Panlalawigan Member Jose Panganiban ng ikatlong distrito ng Isabela ang umano’y iregularidad sa palay procurement ng National Food Authority (NFA) Isabela sa pagdinig ng Committee on Agriculture sa Bayan ng Ramon.
Sa kanyang pahayag, tinanong niya si NFA Isabela Manager Maria Luisa Luluquisen hinggil sa proseso ng pagbili ng palay mula sa mga magsasaka sa lalawigan.
Giit ni Panghaniban, batay sa procurement chain, hindi direktang nakakapagbenta ang magsasaka sa NFA kung walang certification mula sa Municipal Agriculture Office, bunsod ng alegasyon na may ilang magsasaka na ginagamit ng mga trader upang makapagbenta ng palay sa bodega ng NFA.
Kaugnay sa isyu ng mga trader na nagbebenta ng palay sa NFA, walang direktang sagot ang NFA Isabela ngunit inihayag nilang nagsasagawa na sila ng pre-validation sa deliveries mula sa 5,689 magsasakang kanilang binilhan ngayong season.
Paliwanag ni Panganiban, layunin ng pagdinig na talakayin ang mas maayos na kooperasyon ng mga municipal chief executives at Municipal Agriculture Office sa pagbibigay ng certificate sa mga magsasakang magbebenta sa NFA.
Kinuwestiyon din niya ang mababang procurement target ng NFA Isabela kumpara sa NFA Cagayan. Batay sa ulat ni Provincial Agriculturist Emmanuel Datul, may average annual production ang Isabela na 5.7 metric tons, at noong 2024 ay nakapag-produce ito ng 36 milyong bag ng palay.
Mula rito, naglaan lamang ang NFA ng 780,000 bag o katumbas ng 2% ng kabuuang ani ng lalawigan. Naniniwala si Datul na dapat maidulog sa NFA Central Office ang pagdaragdag ng procurement allocation para makatulong sa mga lokal na magsasaka.
Sa kasalukuyan, nasa ₱23 kada kilo ang presyo ng dried palay at ₱17 kada kilo para sa fresh palay, na malayo sa presyo ng mga pribadong trader na umaabot lamang sa ₱9 kada kilo. Ayon kay Panghaniban, ang ₱10 na diperensya sa presyo ay malaking lugi para sa mga lehitimong magsasaka.











