--Ads--

Inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Santiago ang panukalang rebisyon ng Gender and Development (GAD) Code ng lungsod, kasabay ng pagdiriwang ng Women’s Month ngayong Marso.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Councilor Cassandra Eunice Sable, Chairperson ng Committee on Women and Gender Equality, sinabi niya na layunin ng updated GAD Code na palakasin ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng kasarian at tiyakin na pantay-pantay ang benepisyo mula sa mga programa, serbisyo, at polisiya ng lokal na pamahalaan.

Aniya, huling naipasa ang GAD Code noong 2017, kaya kinakailangan na itong i-update upang umayon sa kasalukuyang pangangailangan ng komunidad.

Kabilang sa mahahalagang probisyon ng bagong GAD Code ang mas pinaigting na proteksyon sa karapatan ng kababaihan, kabilang ang mga mekanismo laban sa karahasan, bukod sa umiiral na mga batas tulad ng Violence Against Women and Children Act.

--Ads--

Isinusulong din ng ordinansa ang integrasyon ng gender perspective sa lahat ng panukalang polisiya ng Sangguniang Panlungsod upang masiguro na inklusibo ang mga programa ng pamahalaan.

Dagdag pa ni Sable, bahagi ng layunin ng rebisyon ang pagpapalakas ng kakayahan ng kababaihan hindi lamang sa larangan ng trabaho kundi maging sa pagnenegosyo.

Kasama rin sa tinututukan ng bagong GAD Code ang pagtugon sa mga isyung pangkasarian tulad ng kahirapan, kakulangan sa serbisyong pangkalusugan, at akses sa edukasyon sa lungsod.

Iginiit ng konsehal na mahalaga ang hakbang na ito upang mas mapalawak ang partisipasyon at benepisyo ng kababaihan at iba pang sektor sa patuloy na pag-unlad ng lungsod.