--Ads--

Pinayagan ng Regional Trial Court (RTC) Branch 27 ng Lapu-Lapu City, Cebu ang kontrobersyal na contractor na si Sarah Discaya na makapagpiyansa ng P1 million kaugnay ng kasong malversation of public funds at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act na may kinalaman sa umano’y ghost project sa Davao Occidental.

Pinayagan din ng korte ang finance officer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Davao Occidental na si Czar Ryan Ubungen na makapagpiyansa ng P300,000.

Ayon kay Judge Nelson Leyco ng RTC Branch 27, hindi pa sapat ang mga ebidensyang iniharap ng prosekusyon upang manatili sa kulungan ang dalawa habang nagpapatuloy ang paglilitis.

Sinabi ng korte na wala pang testigong nakapagpatunay sa naging papel ni Discaya sa umano’y anomalya sa proyekto. Hindi rin umano napatunayan sa ngayon na siya ang gumawa ng mga pekeng dokumento o nakipagsabwatan sa iba pang akusado.

--Ads--

Samantala, hindi naman pinagbigyan ng korte ang kahilingan na makapag-piyansa ang walong iba pang akusado, kabilang ang ilang opisyal ng DPWH at isang opisyal ng St. Timothy Construction.

Ayon sa korte, mas malakas ang mga ebidensya laban sa kanila, lalo na sa mga pineke umanong dokumentong sila mismo ang pumirma.

Nilinaw naman ng korte na ang pagbibigay ng piyansa ay hindi nangangahulugan na wala nang pananagutan ang akusado. Sa halip, ito ay pagkilala lamang sa karapatan ng isang akusado na makalaya pansamantala habang dinidinig ang kaso.

Gayundin, ang hindi pag-payag ng korte na makapag piyansa ay hindi nangangahulugang nagkasala na ang akusado.

Si Sarah Discaya ay nahaharap din sa hiwalay na kasong may kaugnayan sa umano’y 53.9 million ghost project sa Calumpit, Bulacan.