--Ads--

Muling nagmarka ng kasaysayan ang P-pop sensation na SB19 matapos kumpirmahing sila ang kauna-unahang grupong Pilipino na maghahagis ng ceremonial first pitch sa isang laro ng Major League Baseball (MLB) sa Estados Unidos.

Nakatakdang magtapon ng ceremonial first pitch sina Pablo, Stell, Ken, Josh at Justin sa laban ng Chicago White Sox at New York Yankees sa Hulyo 29 sa Rate Field sa Chicago.

Inanunsyo ng grupo ang milestone sa kanilang social media kasabay ng paglalabas ng iskedyul ng kanilang Global Promo Tour para sa Hulyo at Agosto. Ayon sa SB19, bahagi ito ng patuloy nilang paglawak sa pandaigdigang entablado.

Bukod sa MLB appearance, nakatakda ring magtanghal ang grupo sa Grammy Museum sa Hulyo 28, gumawa ng debut sa Lollapalooza sa Hulyo 30, magsagawa ng “I WaS There” Thanksgiving Fanmeet sa Estados Unidos at Japan, at lumahok sa Summer Sonic music festival sa Japan.

--Ads--

Sumunod ang SB19 sa hanay ng mga Pilipinong personalidad na nakapaghagis na ng ceremonial first pitch sa MLB, kabilang sina boxing legend Manny Pacquiao, aktres na si Liza Soberano, at comedian na si Jo Koy. Dumating din ang panibagong tagumpay ng grupo matapos silang mapabilang sa roster ng United Talent Agency (UTA), isa sa pinakamalalaking talent agencies sa mundo.