--Ads--

Naglabas ng show cause order ang Korte Suprema laban kina Quezon City 4th District Representative Bong Suntay at Atty. Ferdinand Topacio kaugnay ng umano’y malaswang pahayag ng dalawa na may kaugnayan kina Anne Curtis-Smith at Jasmine Curtis-Smith.

Inatasan ng Kataas-taasang Hukuman sina Suntay at Topacio na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat patawan ng disbarment.

Matatandaang naging kontrobersyal ang pahayag ni Suntay noong Marso 3, 2026 habang nagbibigay ng manifestation sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Samantala, umani rin ng batikos ang mga pahayag ni Topacio sa kaniyang programa sa radyo noong Marso 5, 2026 matapos niyang talakayin ang isyu ng naging pahayag ni Suntay at banggitin ang magkapatid na sina Anne at Jasmine Curtis-Smith.

--Ads--

Ayon sa inilabas na resolusyon ng Korte Suprema, may 10 araw sina Suntay at Topacio mula sa pagtanggap ng kautusan upang magsumite ng kanilang komento.

Inatasan din ng Korte Suprema ang Office of the Bar Confidant na magsumite ng updated na listahan ng mga nakabinbing administrative case laban kina Suntay at Topacio.

Pinag-uulat naman ang Integrated Bar of the Philippines o IBP upang magsumite ng status report kaugnay ng usapin.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pahayag o tugon sina Suntay at Topacio hinggil sa show cause order ng Korte Suprema.