Inatasan ng Korte Suprema ang Senate impeachment court at Kamara de Representantes na magsumite ng komento sa loob ng limang araw kaugnay ng petisyon nina Senators Robin Padilla at Bong Go na kumukuwestiyon sa batayan ng bilang ng boto para mahatulan si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.
Sa resolusyong may petsang Oktubre 14, inatasan ng High Court ang Senate impeachment court, sa pangunguna nina Senate President Sherwin Gatchalian at presiding officer Francis Escudero, gayundin ang Kamara na kinakatawan nina Speaker Faustino “Bojie” Dy III at lead prosecutor Rep. Gerville Luistro, na tumugon sa petisyon sa loob ng hindi na maaaring palawigin na limang araw.
Sa petisyong inihain nitong buwan, hiniling nina Padilla, Go, at ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa Korte Suprema na maglabas ng status quo ante order o temporary restraining order upang pigilan ang impeachment court at Kamara na ibukod ang sinumang senador sa bilang ng “lahat ng miyembro ng Senado” na pagbabatayan ng kinakailangang boto.
Nauna nang nagpasiya ang impeachment court na ibatay ang dalawang-katlong boto sa bilang ng mga senador na legal at aktuwal na maaaring lumahok sa impeachment proceedings.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, kinakailangan ang pagsang-ayon ng dalawang-katlo ng lahat ng miyembro ng Senado upang mahatulan ang isang opisyal sa impeachment trial.
Magkakaiba naman ang naging pananaw ng mga retiradong punong mahistrado na inimbitahan ng impeachment court bilang amici curiae o mga tagapayo ng hukuman. Ayon kina dating Chief Justices Artemio Panganiban, Reynato Puno, at Hilario Davide Jr., dapat ibatay ang bilang sa mga senador na aktuwal na lumahok sa paglilitis.
Samantala, iginiit ni dating Associate Justice Adolfo Azcuna, isa sa mga bumalangkas ng 1987 Constitution, na dapat ibatay ang kinakailangang boto sa kabuuang miyembro ng Senado, na nangangahulugang 16 na senador ang kailangang bumoto para sa conviction.











