--Ads--

Inilunsad ng Schools Division Office (SDO) ng Cauayan City ang “Project Lakbay-Aklat,” isang inisyatibong layuning dalhin mismo sa mga paaralan ang mga aklat na makatutulong sa pagpapalakas ng kakayahan sa pagbasa ng mga mag-aaral.

Ayon kay G. Alexander Geronimo, Education Program Supervisor ng Learning Resource Management Section, ito ang kauna-unahang pagkakataon na isasagawa ang naturang proyekto kung saan ang SDO mismo ang magdadala ng mga aklat sa mga paaralan.

Ipinaliwanag niya na iisa lamang ang library hub sa lungsod—matatagpuan ito sa Cauayan North Central School—kaya’t limitado ang akses ng mga batang mula sa malalayong lugar.

Bagaman bukas ito para sa lahat ng mag-aaral, aminado si G. Geronimo na hindi praktikal para sa mga estudyanteng mula sa kabundukan na bumiyahe pa patungong poblacion upang makapagbasa ng mga aklat sa hub.

--Ads--

Paliwanag pa niya, sa ilalim ng Project Lakbay-Aklat, bawat paaralan ay maaaring mahiraman ng hanggang 150 aklat na kailangang isauli sa loob ng 45 araw upang maipasa naman sa iba pang paaralan.

Bagama’t pangunahing nakatuon ang proyekto sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3, maaari pa ring manghiram ang mga nasa Grade 4 at 5 lalo na kung may ilan sa kanila na nangangailangan pa ng dagdag na tulong sa pagbasa.

Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng pagpapahiram ng aklat, sisiguraduhin ng SDO na walang magtatapos sa elementarya na hindi marunong magbasa.

Nakapagpulong na rin umano ang SDO kasama ang mga guro at magulang upang pag-usapan ang tamang paggamit sa mga ipapahiram na aklat.

At kahit pa hindi maiiwasang masulatan o makulayan ng mga bata ang mga aklat, ayos lang ito, ayon kay G. Geronimo, dahil senyales ito na nagagamit at nababasa ang mga ito—na siya naman talagang layunin ng proyekto.