Puspusan ang ginagawang paghahanda ng Schools Division Office (SDO) ng Santiago para sa hosting ng Cagayan Valley Regional Athletics Association (CAVRAA) 2026.
Inihayag ni Schools Superintendent Alfredo Gumaru na mas malaki at mas komplikado ang paghahanda para sa CAVRAA kumpara sa Regional School Press Conference 2026 dahil na rin sa dami ng mga kalahok at delegado.
Inaasahan nilang maglalaro ng 800–900 atleta kada delegasyon na makikiisa sa palaro.
Sa ngayon, naghahanda na rin ang mahigit 700 na partisipante mula sa SDO Santiago kabilang ang mga atleta at opisyal.
Kung matatandaan, nagtapos lamang ang SDO Santiago sa ika-apat na puwesto.
Kasabay ng nalalapit na aktibidad, hinikayat ng SDO Santiago ang mga stakeholders, sports enthusiasts, at ang LGU Santiago na palakasin pa ang pagsasanay ng mga atleta upang mas mapaganda ang kanilang performance.
Sa katunayan, naglaan ang LGU Santiago ng ₱27 milyon para sa partisipasyon ng mga atleta sa CAVRAA.
Babantayan rin ang paghahanda sa mga billeting quarters ng bawat delegasyon upang matiyak ang maayos na accommodations na may sapat na supply ng tubig at kuryente.
May nakahanda na ring koordinasyon ang LGU at ang incident management team na naitalaga para matiyak ang maayos na pagdaraos ng CAVRAA 2026.









