--Ads--

Naglabas ng cease and desist order ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa Fidelity Capital Investment Group (FCIG) matapos makumpirma sa imbestigasyon na hindi rehistrado at walang lisensya ang kumpanya para mangalap ng investments mula sa publiko.

Ayon sa SEC, una nang naglabas ang ahensya ng advisory noong Enero na nagbababala sa publiko na ang FCIG ay hindi rehistrado at hindi awtorisadong mag-solicit ng investments. Sa kabila nito, nagpatuloy umano ang operasyon ng naturang grupo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong  Ramon King L. Ballesteros, Securities Specialist II ng SEC, sinabi niyang nakakalap ang kanilang tanggapan ng sapat na ebidensya na tumatanggap ng puhunan mula sa publiko ang FCIG nang walang kaukulang lisensya, dahilan upang maglabas ang SEC ng cease and desist order nitong Pebrero.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Atty. Fiels Dominique D. Gamboa, Securities Counsel I ng SEC, na maihahalintulad sa isang Ponzi scheme ang modus ng FCIG. Aniya, bago makapag-withdraw ng kanilang pera ang mga investor, kinakailangan muna nilang makapag-recruit ng hindi bababa sa tatlong bagong investors.

--Ads--

Dagdag pa ni Atty. Gamboa, pinapangakuan umano ang mga investor ng mataas na kita, na umaabot sa higit 1 porsiyento kada signal sa araw-araw, o tinatayang aabot sa 600 pesos kada araw.

Batay sa imbestigasyon, gumagamit umano ang FCIG ng isang messaging application na sinasabing para sa trading, subalit nang suriin ito ay wala umanong aktwal na laman at gawa-gawa lamang.

Ginamit din ng SEC ang Howey Test upang matukoy na ang aktibidad ng FCIG ay pasok sa depinisyon ng isang investment contract, kung saan naglalagak ng pera ang publiko na may inaasahang tubo mula sa operasyon ng ibang tao.

Dahil dito, nahaharap ang FCIG at ang mga kinilalang solicitors nito sa mga paglabag sa Sections 8, 26, at 28 ng Securities Regulation Code. Binigyang-diin ng SEC na kung hindi susunod ang mga sangkot sa cease and desist order, maaari silang kasuhan sa paglabag sa batas.

Sa ngayon, patuloy pa ang SEC sa pangangalap ng karagdagang ebidensya, at ayon sa ahensya ay halos buong Rehiyon Dos na ang apektado ng naturang investment scam.

Nagpaalala naman ang SEC sa publiko na maging mapagmatyag, iwasang basta-basta mag-click ng mga kahina-hinalang links, at huwag agad magpapaniwala sa mga alok na investment na nangangako ng mabilis at mataas na kita.