
CAUAYAN CITY – Pumalo na sa 42,165 ang bilang ng mga baboy na isinailalim sa culling sa second wave ng African Swine Fever (ASF) sa region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng Department of Agriculture (DA) region 2, sinabi niya na noong buwan ng Enero 2021 ay isinailalim sa culling ang nasa 2,500 na baboy sa Aparri, Cagayan matapos na tamaan ng ASF.
Aniya, mula January 8-15, 2021 ay biglang dumami ang kaso ng ASF sa Aparri at nadagdagan ang bilang ng mga naisailalim sa culling na baboy.
Maliban sa Aparri, Cagayan ay may naitala ring kaso ng ASF sa Aritao, Nueva Vizcaya at Quirino.
Dahil sa pagdami ng mga na-cull na baboy, lumalabas sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba ang supply sa rehiyon sa mahigit 2,000,000 baboy kumpara sa dating mahigit 400,000 baboy.
Gumagawa na ng paraan ang mga Local Government Units (LGU) sa pamamagitan ng pagsailalim sa lockdown sa mga lugar na infected ng ASF para maisagawa ang disinfection.
Hindi muna pahihintulutan ang mga hog raisers sa mga infected na barangay na makapag-alaga ng baboy sa loob ng limang buwan.
Inihayag pa ni Regional Director Edillo na hindi pa tiyak kung mayroon nang mabisang bakuna laban sa ASF.




