Tumaob ang isang sasakyan matapos masangkot sa aksidente sa National Highway na bahagi ng Brgy. Upi, Gamu, Isabela.
Ang tumaob na Toyota Vios sedan ay minamaneho ni Shirley Emily Reyes, tatlumpong taong gulang at residente ng Brgy. Upi, Gamu, Isabela.
Habang ang Honda City sedan ay minamaneho ni Samuel Butac, dalawamput tatlong taong gulang at residente ng Brgy. San Miguel, Burgos, Isabela.
Damay din sa banggaan ang isang motorsiklo na minamaneho ng isang labing limang taong gulang na lalaki, at residente ng Brgy. Linglingay, Gamu, Isabela at ang backride nitong isang labing apat na taong gulang na lalaki, na residente ng Brgy. Buenavista, Gamu, Isabela at pawang mga estudyante.
Nabangga rin ang isang delivery container van na minamaneho ni Junel Butac tatlumput apat na taong gulang at residente ng Brgy. Casalatan, Cauayan City.
Batay sa pagsisiyasat ng Gamu Police Station sa kuha ng CCTV camera ng isang establisimento sa lugar, binabagtas ng 2 sedan ang kahabaan ng pambansang lansangan patungo sa timog na direksyon habang ang sa kasalungat namang direksyon patungo ang motorsiklo at container van.
Nang marating ng Toyota vios na minamaneho ni Reyes ang pinangyarihan ng insidente ay nabangga nito ang likuran ng sinusundang Honda City na nagdulot ng pagkawala ng kontrol ng tsuper na si Reyes sa manibela at mapunta sa kabilang bahagi ng kalsada at mabangga ang kasalubong na motorsiklo at container van saka ito tumaob.
Nagtamo ng sugat sa katawan ang tsuper ng sedan na agad namang nadala sa GFNDY Memorial Hospital sa City of Ilagan maging ang tsuper ng motorsiklong nabangga nito habang ang backrider ay dinala sa Providers Hospital sa Naguilian, Isabela.
Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing pangyayari at inaalam na rin kung magkano ang tinamong sira ng mga sangkot na sasakyan na nasa kustodiya na ng Gamu Police Station.