Mas pinaigting ng Tuguegarao City Airport Police Station ang pagbabantay sa mga pasaherong nagdadala ng ipinagbabawal na gamit sa paliparan upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng lahat ng mananakay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Eduard Caballero, Hepe ng Tuguegarao City Airport Police Station, ibinahagi nito na ilan sa mga ipinagbabawal na dalhin sa paliparan ay ang mga matutulis na bagay, flamable items, bala at baril, at iba pang bagay na lubhang mapanganib.
Aniya, mayroon namang exemption sa ilang mga bagay gaya na lamang ng medical supplies, at iba pang kagamitan na kinakailangan ng mga pasahero sa resonableng dahilan.
Ang mga pasahero na mahuhuling may mga dalang ipinagbabawal na item ay maaaring sumailalim sa ilang mga katanungan mula sa mga awtoridad pangunahin na ang mga may dalang bagay na maituturing na banta sa seguridad.
Ayon kay PCapt. Caballero, mas pinaigting ng kanilang hanay ang information dissemination sa pamamagitan ng pakikipag-diyalogo sa mga pasahero at pagbibigay ng updates sa social media.
Ang mga alituntunin sa paliparan ay kadalasang nakalagay na sa plane ticket o sa accompanying travel documents kaya pinapayuhan ang mga pasahero na basahin ang mga ito.
Samantala, mariin ding tinututukan ng PNP Aviation Security Group na ang mga kargamentong ipinapasok sa paliparan upang matiyak na walang maipuslit na ilegal na droga, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).





