Ikinokonsidera ng 55% o nasa 14.4 milyong pamilyang Filipino noong Marso na sila ay mahirap, batay sa resulta ng pinakahuling self-rated poverty survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ang self-rated poverty sa mga pamilyang Filipino noong Disyembre 2024 ay nasa 63%, 50% naman noong Enero, at 51% noong Pebrero.
Samantala, lumabas sa survey na 12% ang tinukoy ang kanilang mga sarili bilang nasa borderline, o nasa pagitan ng pagiging mahirap at hindi mahirap, habang 36% ang nagsabing sila ay hindi mahirap.
Matatagpuan sa Visayas ang may pinakamataas na self-rated poverty sa 62%, sinundan ng Mindanao sa 60%.
Sa Luzon naman, ang self-rated poverty ay nasa 46% at ang Metro Manila ay 41%.
Tumaas din ang gutom sa self-rated poor families mula sa 26.4% noong Pebrero sa 35.6% noong Marso.
Mula 16.2% noong Pebrero ay naging 18.3% naman ang gutom sa non-poor families.
Samantala, sa inilabas din na survey, nasa 27.2% ang overall hunger rate sa mga Filipino.
Isinagawa ang self-rated poverty survey mula Marso 15 hanggang 20 sa pamamagitan ng face-to-face interviews na may 1,800 registered respondents sa buong bansa.
Ang margins of error nito ay ±2.31 percent para sa national percentages, ±3.27 percent sa Luzon na hindi kasama ang Metro Manila, at tig-±5.66 percent sa Metro Manila, Visayas at Mindanao.