--Ads--

Nananatiling ang paglikha ng trabaho at seguridad sa pagkain ang pangunahing concern o alalahanin ng mga botanteng Pinoy sa ngayon.

Sa pinakahuling survey na idinaos ng Social Weather Stations (SWS) survey at kinomisyon ng Stratbase Group, nasa 93% ng mga Pinoy ang nagsabi na iboboto nila ang mga kandidatong nagsusulong ng mga platapormang makatutulong sa pagkakaloob ng trabaho o paglikha ng job opportunities para sa mga mamamayan, gayundin ang mga nagsusulong ng pagpapaunlad ng agrikultura at pagtiyak ng seguridad sa pagkain.

Naniniwala naman si Stratbase President Dindo Manhit na hindi nakakabiglang prayoridad ng mga Pinoy ang trabaho at food security, sa gitna ng kinakaharap na mga hamong pang-ekonomiya.

Samantala, nasa 91% naman ng mga Pinoy ang nagsabi na susuportahan nila ang isang kandidato na nagsusulong ng pagpapalakas ng health care system.

--Ads--

Ang iba pang top advocacies na concern ng mga botante ay ang karapatan ng mga manggagawan at kapakanan ng mga OFWs (88%), kagutuman at kahirapan (87%), pagkontrol ng presyo ng mga pangunahing serbisyo at pangangailangan (85%), equal access sa edukasyon (85%), at pagtugon sa impact ng climate change at pagpapahusay ng disaster preparedness (83%).

Ang survey, na may 1,800 respondents, ay idinaos mula Abril 11 hanggang 14, 2025, at may +2% margin of error.