Kinumpirma ng International Criminal Court (ICC) na kabilang na si Senador Ronald dela Rosa sa opisyal nitong listahan ng mga “wanted person,” batay sa website ng korte nitong gabi ng Mayo 13.
Ayon sa ICC, si Dela Rosa ay isa sa 33 akusado na kasalukuyang itinuturing na “at large.”
Sa kanyang profile sa ICC website, nakasaad ang kanyang buong pangalan na Ronald Marapon Dela Rosa, pati na rin ang kanyang petsa at lugar ng kapanganakan.
Inilarawan din siya ng ICC bilang dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) na humawak ng iba’t ibang posisyon sa Davao region, naging hepe ng PNP, at nagsilbi ring Director General ng Bureau of Corrections sa panahong saklaw ng kaso.
Nakasaad din sa profile na ang arrest warrant laban sa kanya ay inilabas nang “secret” noong Nobyembre 6, 2025 at isinapubliko lamang noong Mayo 11, 2026.
Sa kabila ng kanyang status, naghihintay pa rin ng desisyon ng Korte Suprema ang kampo ng senador kaugnay ng kanilang petisyon, matapos hindi pagbigyan ang hinihinging temporary restraining order laban sa arrest warrant ng ICC.










