Iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go na wala siyang nilabag na batas at ipinauubaya na lamang niya sa Diyos ang lahat, kasunod ng mga ulat na umano’y naglabas ang International Criminal Court ng warrant of arrest laban sa kanya.
Ayon kay Go, hindi kailanman naging bahagi ng kanyang mandato ang mga usaping pangkapulisan at umaasa siyang hindi mapupulitika ang isyu.
Lumabas ang usapin matapos sabihin ni Davao City First District Representative Paolo “Pulong” Duterte na may impormasyon siyang naglabas na umano ang ICC ng arrest warrant laban kay Go at sa dalawa pang dating opisyal ng pulisya.
Gayunman, sinabi ng Department of the Interior and Local Government na wala pa silang natatanggap na pormal na abiso tungkol dito.
Si Go at Senador Ronald Dela Rosa ay kabilang sa mga opisyal na pinangalanan ng ICC bilang mga umano’y kasamang may pananagutan sa mga krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng war on drugs ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, muling itinanggi ni Go ang mga alegasyon at sinabing wala siyang anumang kinalaman, kaalaman, o awtoridad sa mga paratang na iniuugnay sa kanya.









