--Ads--

Ipinahayag ni Senator Risa Hontiveros ang kanyang pagkadismaya sa naging desisyon ng Korte Suprema na biglaang pagpigil sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte. Ayon kay Hontiveros, malinaw sa desisyon ng Korte Suprema na hindi nito pinawalang-sala si VP Duterte at maaari pa ring maisampa muli ang reklamo sa susunod na taon.

Gayunpaman, iginiit ni Hontiveros na maraming katanungan ang bumabalot sa maaaring epekto ng desisyong ito, lalo na sa maikli at pangmatagalang pananagutan ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan.

Tinukoy rin ng senadora ang kaso ng Gutierrez vs. House of Representatives (G.R. No. 193459) kung saan sinabi ng Korte Suprema na ang tinutukoy sa “one-year bar rule” ay ang panahon at hindi ang dami ng impeachment complaints. Sa kasong ito, iisa lamang umano ang reklamo na umakyat sa Senado kaya’t hindi malinaw kung paano ito maituturing na paglabag sa nasabing panuntunan.

Binatikos din ni Hontiveros ang tila pagdagdag ng Korte Suprema ng maraming bagong rekisito para lamang makapagsimula ng impeachment proceedings, na maaaring makahadlang sa mga susunod na hakbang upang mapanagot ang mga mataas na opisyal.

--Ads--

Giit ng senadora, nananatiling malinaw ang itinatadhana ng Saligang Batas na ang panunungkulan sa gobyerno ay isang pampublikong tiwala. Wala umanong opisyal ang may karapatang manatili sa puwesto kung may kinakaharap na seryosong isyu. Aniya, pananagutan ng lahat ng opisyal ng bayan ang bawat Pilipino, at nararapat lamang na igiit ng taumbayan ang kanilang karapatang humingi ng pananagutan mula sa kanilang mga lider.

“Patuloy naming ipaglalaban ang karapatan ng mamamayan na panagutin ang sinumang nasa poder,” pagtatapos ni Hontiveros.