--Ads--

Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na hindi kabilang sa pinagbabawalang lumabas ng bansa si Senator Joel Villanueva.

Ito ay kahit nahaharap siya sa reklamong malversation, na non-bailable, kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects sa Bulacan, na inireklamo sa DOJ ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, hindi kasama si Villanueva sa hinihiling ng NBI sa korte na maglabas ng precautionary hold departure order (PHDO).

Aniya, ang PHDO ay hinihiling lamang sa kasong plunder laban sa ibang respondent, na hiwalay sa kasong isinampa laban kay Villanueva.

--Ads--

Nauna nang naglabas ang Manila Regional Trial Court Branch 52 ng PHDO laban kina Senator Jinggoy Estrada, dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, dating Usec. Roberto Bernardo, at mga dating DPWH engineers na sina Henry Alcantara at Gerard Opulencia.

Pinagbawalan silang lumabas ng bansa nang walang pahintulot ng korte upang maiwasan ang posibleng pagtakas sakaling ilabas na ang warrant of arrest.