--Ads--

Isinusulong ni Senator Loren Legarda ang isang panukalang batas na nagtatakda ng Enero 22 bilang National Farmers Day bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga Pilipinong magsasaka sa kaunlaran ng bansa.

Ayon sa inilabas na Senate Bill No. 1265 ng senador, layunin ng panukala na bigyang-diin ang sakripisyo at dedikasyon ng mga magsasaka at mangingisda, at paalalahanan ang mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, pribadong institusyon, at komunidad na magpatupad ng makabuluhang programa para sa kanilang kapakanan.

Binanggit ni Sen. Legarda na sa kabila ng kritikal na papel ng mga magsasaka at mangingisda sa sektor ng agrikultura, marami sa kanila ang nananatiling mahirap na may antas ng kahirapan na 27% at 27.4% ayon sa tala. Dagdag pa niya, nahaharap ang mga magsasaka sa lumalalang epekto ng pagbabago ng klima at natural na kalamidad, subalit patuloy silang nagsusumikap bilang tahimik na mga tagapangalaga ng seguridad sa pagkain.

Layunin ng Senate Bill No. 1265 na kilalanin ang mahahalagang kontribusyon ng mga magsasaka noon at ngayon sa pamamagitan ng taunang pagdiriwang tuwing Enero 22. Sa ganitong paraan, pinapalakas ang kanilang pagkakakilanlan bilang makabagong bayani ng bansa.

--Ads--