--Ads--

Nagsimula na rin ang pagdinig ng Senate Committee on Finance para sa panukalang P7.2-trilyong pambansang budget para sa taong 2027.

Sa isinagawang budget briefing, humarap sa mga senador ang mga miyembro ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) na kinabibilangan nina Finance Secretary Frederic Co, Acting Budget Secretary Kim Robert de Leon, Department of Economy, Planning and Development (DepDev) Secretary Arsenio Balisacan, at Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remolona Jr.

Sa pagbubukas ng pagtalakay, sinabi ni Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito na nakatuon ang panukalang budget sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan at nakabatay sa prinsipyong “back to basics.”

Binigyang-diin din ni Ejercito na hindi nila hahayaang maulit ang anumang pag-aaksaya o maling paggamit ng pondo ng gobyerno.

--Ads--

Aniya, sa sektor ng imprastruktura ay isusulong ang isang pangmatagalan at komprehensibong infrastructure masterplan na mag-uugnay sa mga kalsada, railway system, daungan at iba pang komunidad sa bansa.

Iginiit din ng senador na hindi papayagan ang anumang last-minute insertions sa Bicameral Conference Committee (Bicam).

Samantala, magpapatuloy ang livestreaming ng mga deliberasyon sa Bicam at mananatiling bukas sa publiko ang Senate Budget Transparency Portal kung saan maaaring masubaybayan ang mga dokumento ng budget mula sa panukala, mga amyenda, hanggang sa pinal na pagsasabatas nito.

Ipatutupad din ang Anti-Epal Provision na nagbabawal sa paglalagay o pagpapakita ng pangalan ng mga pulitiko sa mga proyektong pinopondohan ng pamahalaan.