--Ads--

Nanawagan ang mga senador mula sa minority bloc kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na makipag-ugnayan sa legal team ni Senator Ronald Bato dela Rosa upang makahanap ng mapayapang resolusyon sa usapin ng pag-aresto sa senador kaugnay ng warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).

Ito ay kasunod ng pagdedeklara ni Interior Secretary Jonvic Remulla kay Dela Rosa bilang armado at mapanganib, gayundin ng pag-aalok ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ng ₱50-milyong pabuya para sa impormasyong magbibigay-daan sa kaniyang pagkakadakip.

Sa kanilang magkasanib na pahayag nitong Sabado, sinabi ng mga senador na nauunawaan nila ang layunin ng pamahalaan na mapanatili ang kaayusan, ngunit naniniwala silang posible pa rin ang mapayapang pagresolba sa sitwasyon nang hindi nalalagay sa panganib ang buhay ng sinuman.

Hinimok din ng minority bloc ang lahat ng sangkot, kabilang ang mga awtoridad, si Dela Rosa, kaniyang pamilya, legal counsel at mga tagasuporta, na magpakita ng pagpipigil at panatilihing bukas ang komunikasyon.

--Ads--

Samantala, tiniyak ng Malacañang na suportado ni Pangulong Marcos ang mga hakbang ng DILG, Department of Justice at iba pang law enforcement agencies upang maaresto ang senador.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, walang dapat mamatay sa pagtupad ng mga pulis sa kanilang tungkulin, ngunit iginiit din niyang hindi uurong ang mga awtoridad sa kanilang operasyon.

Matatandaang hindi na nagpakita sa publiko si Dela Rosa matapos iulat ang paglalabas ng ICC ng warrant of arrest laban sa kaniya kaugnay ng mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan na may kaugnayan sa kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakadetine sa ICC habang hinihintay ang paglilitis.

Kinuwestiyon naman ng mga senador sa minority bloc ang bisa ng warrant, sa pagsasabing umatras na ang Pilipinas sa Rome Statute, ang kasunduang nagtatag sa ICC, noong 2019.

Samantala, hinimok ni ICC Assistant to Counsel Kristina Conti si Dela Rosa na sumuko sa mga awtoridad ng Pilipinas at direktang harapin ang mga paglilitis sa ICC, kung saan aniya ay maaari niyang igiit ang kaniyang mga karapatan at ang nararapat na proseso ng batas.