Isinusulong ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang panukalang batas na nag-aatas ng pagbibigay ng 14th month pay para sa mga empleyado sa pribadong sektor.
Ito ay bilang dagdag na tulong sa mataas na gastusin at tumataas na pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino.
Binigyang-diin ni Sotto na ipinatupad pa noong 1976 ang Presidential Decree 851 na nag-uutos sa lahat ng employer na magbigay ng 13th month pay.
Aniya matapos ang halos limang dekada malaki na ang ipinagbago ng pangangailangan at gastusin ng bawat manggagawang Pilipino kung kayat nararapat lamang na ipatupad ang karagdagang benepisyong ito.
Sa ilalim ng panukala, dapat ipalabas ang 13th month pay bago o sa Hunyo 14 upang makatulong sa gastusin sa edukasyon ng mga anak ng mga manggagawa, habang ang 14th month pay ay dapat ibigay bago o sa Disyembre 24 upang masuportahan ang mga pamilya sa panahon ng kapaskuhan at pagtatapos ng taon.








